Ang Trends and Techniques Resource Center and Training Services sa pakikipagugnayan ng Pambansang Surian ng Wikang Filipino sa pangunguna ni Prof. Lolita H. Dela Cruz ay nagdaos ng Pambansang Seminar-Worksyap na may paksang “Midya, Dula at Pelikula:Tatsulok sa Inobatibong Instruksyonal sa Wika at Panitikan Salig sa Kurikulum ng K to 12” noong Agosto 9-11, 2013. Ginanap ito sa AMCO Beach Resort, Baler, Aurora at dinaluhan ng mga guro at magaaral sa pampribado at pampublikong paaralan sa lalawigan kabilang ang Aurora State College of Technology.
Layunin nito na mapaunlad at maiangkop ang kasanayan at estratehiya ng mga guro sa pagtuturo ng wika at panitikan nang naayon sa makabagong kurikulum, malinang ang pagiging masining at pagkamalikhain ng mga guro sa paggamit ng iba’t-ibang midyum ng Sining Pantanghalan, at masining na pagtatanghal sa pagtuturo ng wika at panitikan salig sa umiiral na K to 12 Education Kurikulum.
Pangunahing tagapagtalakay sa naturang seminar ang mga premyado at batikang manunulat, editor, direktor at guro na sina Prof. Pat Villafuerte, G. Ricardo “Ricky” Lee, Dr. Arthur Casanova at G. Robinson K. Cedre.
Ang tatlong araw na pagsasanay ay binubuo ng mga worksyap at malayang talakayan sa mga paksa ng Pagtuturo ng Wika at Panitikan Batay sa Programang Media Literacy at Estilong Kambayoka sa Pagtuturo ng Wika at Panitikan. Tinalakay din dito ang Pagsusulat ng Iskrip:Pandula, Pantelebisyon at Pampelikula at ang Praktika ng Midya, Dula at Pelikula sa Pagtuturo ng Wika at Panitikan Batay sa K to 12 Kurikulum.