Bilang paggunita sa kahalagahan ng ating sariling wika, idinaos sa kolehiyo ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may tema para sa taong ito na “Wika natin ang daang matuwid”.Nakapaloob dito ang kapangyarihan ng wikang Filipino na tumatagos sa iba’t-ibang sektor ng lipunan,na sa kabila ng pagkakaiba-iba ay nanatili ang pagkakaisa dahil sa wikang Filipino ang tinig ng ating kultura, kasaysayan at pagkatao.
Layunin ng pagdiriwang na mapaigting ang paggamit ng wikang Filipino sa matuwid at mabisang pagpapahayag at komunikasyon tungo sa bisyon ng matuwid na daan ng dangal at kaunlaran.
Kabahagi ang mga mag-aaral at kaguruan ng Kolehiyo sa ibat-ibang patimpalak na isinagawa gaya ng paggawa ng islogan at poster, pagsulat ng tula at sanaysay, dagliang talumpati at deklamasyon at tagisan ng talino na siyang nagbigay kahulugan sa pagdiriwang ng buwan ng wikang Filipino.
Isang masaya at makulay na palatuntunan din ang idinaos noong ika-23 ng Agosto na pinangunahan ni Dr. Esmeralda S. Escobar bilang Panauhing Tagapagsalita.Pinatingkad ang okasyon ng mga makukulay at magagandang kasuotang Pilipino ng mga mag-aaral, guro at kawani na buong pagmamalaki nilang itinampok. Nagkaroon din ng paligsahan para sa masining na pagsasatao, masining na pagkukuwento, isahan at dalawahang pag-awit at katutubong sayaw na aktibong nilahukan ng mga mag-aaral.
Natapos ang programa sa pag-aanunsyo ng mga nanalo sa iba’t-ibang paligsahan. Samantala hinirang na Lakan si G. Celso P. Resueño at Lakambini naman si Bb. Sunshine Grace F. Cabatan para sa kategorya ng guro at kawani dahil sa kanilang Pilipinong kaanyuan,kaakmaan ng kilos at gawi, tindig at tikas, at sa mahusay ng pagdadala ng kasuotan at ng sarili.
Ang pagoorganisa sa nasabing pagdiriwang ay pinangunahan ng Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino(PSWF-III)at Samahan ng mga Nagdadalubhasa sa Filipino (SANFil) sa pakikipagtulungan ng buong pamilya ng Kolehiyo kabilang ang mga mag-aaral, kaguruan at administrasyon. (CPanlilio)