Agosto 20, 2024 -isinagawa ng Aurora State College of Technology School of Arts and Sciences (SoAS) sa pamumuno ng Hospitality and Tourism Society (HTMSoc), at Gobyerno De Agham Politika ang General Orientation para sa mga First Year students, Transferees, at Returnees. Ang programa na may temang “EMBARK: DISCOVER, CONNECT, THRIVE” na ginanap sa ASCOT Hostel, Zabali Campus, Baler, Aurora.
 
Sa kanyang pambungad na pananalita, ipinahayag ni Dean Angara ang kahalagahan ng pag-aaral sa ilalim ng Malayang Sining. Aniya, “Sa araw-araw na pagpasok ninyo, lagi ninyong itatanong sa sarili kung para saan at para kanino. Nag-aaral kayo ng batas, para kanino? Nag-aaral kayo ng mga teorya, para kanino? Sa araw na ito, itatak ninyo sa inyong mga puso at isipan na DAPAT, ang lahat ng bagay na ginagawa at gagawin ninyo ay para paglingkuran ang sambayanan. Yan ang gulugod ng Departamento ng Malayang Sining: malaya at mapagpalaya. Maraming salamat!”
 
Nagbigay rin ng inspirasyonal na mensahe si Marvie Allyza Dolfo, kinatawan ng SCSC President, na hinikayat ang mga estudyante na tuklasin ang kanilang kakayahan at huwag basta sumuko: “Dahil sa mundong ito, palaging talo ang unang sumusuko.”
 
Tinalakay sa programa ang mga mahahalagang paksa na makakatulong sa pag-unlad ng akademiko at personal na aspeto ng mga estudyante. Ibinahagi ni Alma S. Bayudan, kinatawan ng Student Affairs and Services (OSA), ang mga serbisyong ibinibigay ng OSA tulad ng guidance and counseling, mga programang pangiskolar, serbisyong pangkalusugan, disiplina ng estudyante, at marami pang iba.
 
Nagbigay din ng impormasyon si Lorieflor C. Fabrigas, CPA tungkol sa RA 10931 o The Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Ang mga detalye ukol sa BSHM at BSTM programs ay ibinahagi nina Ella Mercedita S. Flores at Regina Dela Torre, na nagbigay-diin sa mga kinakailangang kurso, NCII requirements, at Retention Policy.
 
Layunin ng oryentasyon na ipakilala sa mga bagong estudyante at sa mga nagbabalik ang kanilang magiging buhay sa kolehiyo, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtanggap sa kanilang edukasyonal na paglalakbay.
 
Isinulat ni: Arnold Monteverde