Ang Aurora State College of Technology (ASCOT) ay kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang isa sa mga natatanging institusyon sa bansa matapos itong gawaran ng prestihiyosong “Dangal ng Wika at Kultura 2024.” Ang parangal ay iginawad noong
Agosto 19, 2024, sa Gabi ng Parangal ng KWF, na dinaluhan nina Bb. Glenda Marfil Nad-Gines, Direktor ng ASCOT Sentro ng Wika at Kultura, at Dr. Renato G. Reyes, Pangulo ng ASCOT.
Ipinagkaloob ang parangal dahil sa patuloy na tagumpay at dedikasyon ng ASCOT sa mga proyektong pangwika at pangkultura ng KWF. Ang suporta ng pamunuan ng unibersidad at ng komunidad ay nagbigay-daan sa epektibong pagsasagawa ng mga programang naglalayong pagyamanin ang wikang Filipino at preserbasyon ng kultura ng pamayanan.
Ayon sa isang Facebook post ng ASCOT-SWK, ang kanilang Sentro ng Wika at Kultura ay lumago sa loob ng 15 taon dahil sa sipag ng mga dating direktor, Prop. Lolita Dela Cruz at Dr. Rowel Olila, gayundin sa tuloy-tuloy na suporta ng mga pangulo ng ASCOT, lalo na si Dr. Renato Reyes. Patuloy umano ang kanilang promosyon at preserbasyon ng wika para sa kabataan at bayan.
Sa isang panayam, ipinahayag ni Bb. Gines na “ang pagkilala at parangal na ito ay tunay na hindi lamang katuparan ng isang pangarap bagkus sumisimbulo sa mahabang panahong nilakbay ng SWK-ASCOT bilang isang lundayan na nagtatampok, nagpapahalaga at nagsusulong ng wika at kultura. Sa bawat paghakbang na ating tinahak, inspirasyon natin ang mga hamon, aral, kaalaman at karanasang natutuhan upang mas mapalakas at magpatuloy pa sa paglalakbay. Maraming salamat po sa Komisyon sa Wikang Filipino sa pagkilalang ito at sa ASCOT sa pangunguna ni Dr. Renato Reyes na kaagapay sa mga adhikaing pangwika at pangkultura.”
Isinulat ni: Patrick Sotero
Patnugot / Mga larawan sa kagandahang loob ni: Bb. Glenda Marfil Nad-Gines