Dr. Doracie B. Zoleta-Nantes, Ginawaran ng Quezon Medalya ng Karangalan
Dr. Doracie B. Zoleta-Nantes, Ginawaran ng Quezon Medalya ng Karangalan
Pinarangalan at ginawaran ng Quezon Medalya ng Karangalan si Dr. Doracie B. Zoleta-Nantes sa ginanap na Gawad Parangal noong ika-19 ng Agosto, 2015 sa Queen Margarette Hotel, Lungsod ng Lucena, kaugnay sa paggunita at pagdiriwang ng ika-137 Anibersaryo ng kapanganakan ng Pangulong Manuel Luis Quezon.

Ang Quezon Medalya ng Karangalan ay ang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng Lalawigan ng Quezon sa mga natatanging Quezonian dahil sa kanilang mga kapuri-puri at pambihirang nagawa na nagtaguyod ng pangkalahatang kagalingan at kapakanan sa lalawigan at mga mamamayan ng Quezon.

Iginawad ang Karangalan kay Dr. Nantes bilang pagkilala sa kanyang natatangi at pambihirang kahusayan at kontribusyon sa larangan ng Agham at Teknolohiya. Kinilala bilang isa sa mga nangunguna at pinakamahusay na pantas sa larangan ng Environmental Hazards and Disaster Risk Reduction hindi lamang sa Pilipinas maging sa labas ng bansa.Naging isang huwaran at pinakarespetadong propesor sa College of Social Sciences and Philosophy sa Unibersidad ng Pilipinas at sa Australian National University at ngayon isang mahusay na Pangulo ng Aurora State College of Technology.

Ang kanyang mga nagawang pag-aaral at pananaliksik ay tunay na nagbigay kaalaman sa napakahalagang papel ng pamahalaan at komunidad sa panahon ng mga natural na kalamidad upang tuluyan itong maiwasan o di kaya’y mabawasan ang mga negatibong epekto nito. Kaakibat ng kanyang talino, ang pagmamahal at pagmamalasakit niya sa kapwa, ang kanyang mga mabubuting hangarin ay nagbunga ng mga epektibong hakbangin para mapangalagaan ang kalikasan at mapabuti ang antas ng pamumuhay ng kanyang mga kababayan.

Isa sa pinakamahalagang programa na pinangunahan niya ai ang “Capacity Strengthening of Five Provinces in the Philippines in Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation” ng Australian National University,kung saan ang mahigit sa tatlumpong komunidad sa bansa ay nahikayat niyang makiisa sa adbokasiya ng Disaster Risk Reduction at Climate Change Adapatation. At sa kanyang sariling lalawigan, walong bayan ang kanyang nabigyan ng pansin at natulungan, ang Lucban, Buenavista, Sampaloc, Sariyaya, General Nakar, Pitogo, Gumaca at Mauba.

Taglay niya at ipinamalas ang mga hinahangaang katangian ng ating dating Pangulong Quezon tulad ng pagiging makatao, maparaan at ang pamumuhay ng may integridad at pagmamalasakit sa kapwa. Isa siyang buhay na patunay sa kabutihang taglay ng agham at sa responsibilidad nito para sa sangkatauhan.

Mabuhay po kayo, Dr. Doracie B. Zoleta-Nantes!