Ang Aurora State College of Technology School of Education sa pangunguna ng Teacher Education Students’Organization ay nagsagawa ng kanilang General Orientation ngayong araw ng Miyerkules, 14 Agosto 2024 sa ASCOT Zabali Campus Gymnasium.
 
Bilang dekano ng School of Education, binigyang diin ni Dr. Rowel G. Olila sa kanyang talumpati: “Enjoy the process. Bagaman may mga mahihirap na bahagi, pagod, puyat, at oras na mawawala sa iba’t ibang bagay, ito ay mga hakbang na kailangan mong pagdaanan upang mag-grow at maipakita ang iyong tunay na potensyal.”
 
Hinikayat din ni Dr. Olila ang lahat na magsikap at magpursige, hindi lamang para sa kanilang sariling pag-unlad, kundi para sa kapakanan ng bayan. “Maging guro na magpapatuloy ng dekalidad na edukasyon para sa sarili, sa bayan, at para sa kabataang Pilipino,” aniya.
 
Kabilang rin sa nasabing kaganapan ang Pangulo ng ASCOT, Dr. Renato G. Reyes. Ang kanyang presensiya sa nasabing programa ay nagbigay ng inspirasyon at motibasyon sa mga estudyante ng School of Education. Sa kanyang talumpati, nabanggit ni Pangulong Reyes ang kanyang pagiging proud sa paaralan, “Napakaganda nang naging performance ninyo sa board exam. Palagi kong binibigyang-diin na masaya ako kahit walang pumasok sa top 10, basta’t nakakamit natin ang 100 porsyentong passing rate sa programa. At ito ay napatunayan na ng School of Education, ang makapagtala ng 100 porsyentong passing rate.”
 
Kasama sa mga aktibidad ang pagpapakilala sa mga kaguruan at empleyado. Tinalakay din ang Admission and Retention Policies ni Bb. Nikita Paola A. Del Mundo, ang School Registrar, at ang Curriculum Requirements na ipinaliwanag ni Bb. Angelica A. Vallejo, Associate Professor II. Ang Student Services and Events naman ay tinalakay ni G. Jan Christopher A. Salazar, Instructor I/PE Instructor.
 
Nagkaroon din ng mga presentasyon patungkol sa iba’t ibang paksa: ang Research Policies na ipinaliwanag ni G. Alfredo Padios, Assistant Professor III; ang Extension Activities na tinalakay ni Bb. Jovelyn D. Milan, Instructor III; at ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931) sa pangunguna ni Bb. Beverly Diane D. Angio. Tinalakay din ang Decorum Policies ni G. Eriberto C. Rivera, Associate Professor III, ang Ulat na mga Nagawa (Accomplishments) ng TESO na pinangunahan ni Leomar Tadeo, Pangulo ng TESO. Kinilala rin ang mga Top Qualifiers na nasa Unang Antas sa iba’t ibang medyor na idinaos nitong nakaraang Qualifying Process, ito ay pinangunahan ni Bb. Del Mundo.
 
Sa panayam kay Kennyron D. Velicaria, isang freshmen student mula sa Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon na Nagdadalubhasa sa Agham, binigyang halaga niya ang importansiya ng mga naturang programa, “Mahalaga po para sa akin ang ganitong orientation dahil dahil dito nakakakuha ako ng mga aral at natututo ng tamang asal at dapat gawin upang maging isang maayos na estudyante. I believe that being an education student is not easy, it needs a strange process” – aniya.
 
Ang nasabing programa ay nagbigay ng pagkakataon sa mga bagong estudyante na makilala ang kanilang mga guro, matutuhan ang mga patakaran at regulasyon ng paaralan, at matukoy ang mga inaasahan sa kanilang magiging pag-aaral sa kolehiyo.
 
Isunulat ni: Aeron Monteverde