Noong ika-12 ng Agosto, Lunes, muling nagbalik ang mga mag-aaral at guro sa Aurora State College of Technology para sa panibagong taon ng akademikong pampaaralang 2024-2025, bitbit ang kanilang mga pangarap para sa kakaharaping bagong kabanata ng kanilang buhay.
Sa Zabali Campus, kita sa mga mukha ng mga freshmen ang pinaghalo-halong kaba, excitement, at aligaga habang hinahanap kung saang departamento, gusali, at silid sila nabibilang. Bawat mag-aaral ay tangan ang kanilang mga class schedule sa lilim ng mga puno at gusali habang naghihintay ng anunsyo mula sa kanilang mga guro.
Mababakas sa mga mukha ng mga freshmen ang pag-asa at excitement sa kanilang mga tatahaking kurso. Bawat isa ay may sariling kuwento patungkol sa kanilang damdamin at motibasyon upang mapagtagumpayan ang buhay kolehiyo.
Hindi lamang mga freshmen ang nagbabalik ngayong taon. Kasamang nagbalik ang mga mag-aaral sa mas mataas na antas mula sa ASCOT at nagsilbing katuwang ng mga guro upang gabayan ang mga freshmen. Ang mga senior na tatayong mga kuya at ate ay nagbigay din ng mga gabay at kwentong inspirasyon sa mga katulad nilang naglalakbay sa parehong landas dati.
Ang pagbubukas ng panibagong taong pampaaralan ay naghuhudyat ng panibagong kasiyahan at pag-asa. Puno ng kumpiyansa at determinasyon ang bawat isa na ipagpatuloy ang pangarap na kanilang inaasam.
Ang ASCOT bilang institusyong kumakalinga at nagbibigay ng kalidad na akademikong edukasyon ay patuloy na nagsusulong ng kahusayan at integridad sa bawat aspeto ng pagkatuto.
Isinulat ni: Aeron Monteverde