ASCOT Zabali Campus- Matagumpay na isinagawa ang tatlong-araw na “Pagmamapa: Seminar Training on Cultural Mapping Towards Community Empowerment and Heritage Preservation” sa Accreditation Hall, General Education Building, ASCOT Zabali Campus.
 
Pinangunahan ng mga kilalang tagapagsalita mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na sina Commissioner Arvin Manuel R. Villalon at Professor Jose “Joey” S. Soliman Jr., Secretary ng National Committee for Music, 8-10 ng Agosto, 2024.
 
Tinalakay ni Assoc. Prof. Villalon ang mga pangunahing metodolohiya sa cultural mapping, mga etikal na prinsipyo, at mga pamamaraan para sa pagmamapa ng tangible immovable at movable cultural heritage, pati na rin ang mga makabuluhang personalidad at institusyon sa kultura. Ipinakita niya ang kahalagahan ng etikal na paglapit sa cultural mapping sa kanyang pahayag: “Ang tunay na halaga ng cultural mapping ay hindi lamang sa pagdokumentaryo ng pamana kundi sa pagpapalalim ng ating pag-unawa sa ating identidad bilang isang komunidad.” Samantala, inilahad ni Prof. Soliman ang iba’t ibang aspeto ng cultural mapping, kabilang ang framework para sa heritage, legal na batayan ng cultural mapping, at ang pagmamapa ng mga kultural na natural at intangible heritage. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagmamapa sa pag-unawa at pag-preserba ng kultura, na sinundan ng isang inspirasyonal na pahayag: “Ang bawat mapa ng kultura ay isang susi sa pagbuo ng mas malalim na koneksyon sa ating nakaraan at sa ating hinaharap.”
 
“Pagkatapos ng workshop na ito, mayroong mas magandang mangyayari. Ang pagsisikap ay magbubunga ng maganda at magkakaroon tayo ng mas makulay at kapana-panabik na kwento.” – ani ASCOT President Dr. Renato G. Reyes sa kanyang mensahe.
 
Ang seminar, na pinasinayaan ng mga faculty at staff mula sa School of Arts and Sciences, ay nagbigay ng pagsasanay sa cultural mapping para sa mga faculty ng ASCOT upang mapahusay ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad at pangangalaga ng kultura sa kanilang institusyon at komunidad.
 
Panulat ni: Aeron Monteverde
Patnugot ni: Diana de Mesa-Amazona