Agosto 30, 2024 -Isinagawa ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Aurora State College of Technology (ASCOT), na may temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya.” Ang okasyon ay pinangunahan ng ASCOT Sentro ng Wika at Kultura.
 
Bahagi ng programa ay ang pananalita ni Engr. Oscar Barawid, Jr., PhD, na kumatawan kay ASCOT President Renato G. Reyes. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pagpapalawak ng kalayaan at pag-unlad. Ayon sa kanya, ang pamunuan ni President Reyes ay nakatuon sa paghubog ng mga mag-aaral upang maging handa sa serbisyo sa bansa at makipagsabayan sa pandaigdigang merkado. Sinabi niya, “Bilang mga kabataan at bahagi ng ASCOT community, tayo ay tinatawagan na gamitin ang ating wika bilang instrumento ng pagbabago at kaunlaran. Gamitin natin ang wikang Filipino hindi lamang sa simpleng pakikipag-usap kundi sa pagtataguyod ng mga aral at adhikain na magbibigay-daan sa mas maunlad at malayang kinabukasan.”
 
Isang mahalagang bahagi ng programa ang pananalita ng panauhing pandangal na si Lolita H. Dela Cruz, ang unang Director ng SWK (PSWF), Retiradong Propesor sa ASCOT. Sa kanyang pananalita, binalikan niya ang mga simula ng SWK bilang Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino noong 2009, pati na rin ang mga proyekto at ang papel ng wika sa pagpapalaganap ng kulturang Filipino sa ibang bansa. Ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa Hawaii, kung saan nagturo siya ng wika at nagtrabaho sa iba’t ibang kumpanya. Binibigyang-diin niya ang papel ng Filipino sa pagpapanatili ng kultura at pagkakakilanlan kahit sa ibang bansa, “Ang wika natin ang nagiging simbolo ng kalayaan at instrumento din ng pagpapalaya mula sa mga hadlang na maaaring maghiwalay sa isang tao mula sa kanyang lahi at kultura.”
 
Bilang bahagi ng pagdiriwang, isinagawa ang mga patimpalak tulad ng pagsulat ng sanaysay, poster-making, spoken word poetry, kundiman, OPM duet, Philippine folk dance, at modern TikTok folk dance. Ayon kay Bb. Gines, layunin ng mga patimpalak na ito na hubugin ang kahusayan ng mga mag-aaral sa mga nasabing larangan gamit ang wikang Filipino. Ang mga patimpalak ay nagbibigay din ng pagkakataon upang tuklasin ang mga talento na maaaring ipakita sa mga susunod na kompetisyon.