Tangan ang temang, “Filipino:Wika ng Pagkakaisa”, nagpamalas ng husay at galing ang mga mag-aaral sa idinaos na programa para sa taunang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa na ginanap noong Agosto 22 sa Himnasyo ng Kolehiyo.
Sa pangunguna ni Prof. Lolita H. Dela Cruz, Dalubguro sa Filipino at ng Samahan ng mga Nagdadalubhasa sa Filipino(SANFil) at sa pakikipagugnayan at pakikiisa ng mga Departamento ng Kolehiyo, ang programa ay nagtanghal ng makukulay na presentasyon at paligsahan sa larangan ng pagsulat, pagguhit, sayaw at pag-awit na tinampukan ng mga mag-aaral.Nakadagdag kulay at sigla rin sa nasabing pagdiriwang ang makukulay at malilikhaing Kasuotang Pilipino ng mga guro, kawani at mag-aaral na nakiisa sa selebrasyon. Patunay nito, pinarangalan sina G. Johnny A. Ysip at Bb. Mychelle Rose G. Hidalgo,mga guro mula sa Departamento ng Pangkalahatang Edukasyon bilang Lakan at Lakambini 2014 para sa kanilang Pilipinong kaanyuan,tindig,tikas at mahusay na pagdadala ng kanilang kasuotan at sarili.
Pinarangalan din bilang Lakan at Lakambini 2014 sina Jeremy L. Pranada(BIT-FT) at Mary Rose S. Niebes(BSEE) para sa kategorya ng mga mag-aaral dahil sa kanilang angking kisig at mayuming kagandahan sa pagdadala ng Kasuotang Pilipino.Samantala, nagpamalas naman ng kanilang aking talento sa larangan ng pagsulat at pagguhit sina Jheramil G. Onde(BSME), James Russel D. Lobusta(BSME)at Hansel Rey S. Teh(BSHRM) sa kanilang pangunguna sa Paligsahan ng Pagsulat ng Sanaysay, Paggawa ng Poster at Slogan.
Nakuha ng mga mananayaw mula sa BSHRM ang unang pwesto sa Katutubong Sayaw at nasungkit naman ng mga mag-aaral mula sa BSEE ang unang gantimpala sa Balagtasan.Samantala, nagwagi si Alyssa Angelica J. Carriaga(BSED) para sa Masining na Pagsasatao at nanguna naman sa Tagisan ng Talingo ang tambalan nina April Joy E. Sison(BSCE) at Shyna D. Roda(BSCE).
Para naman sa Patimpalak sa Pag-awit, ang unang gantimpala ay napasakamay ni Noel A. Manzano(BSEE) para sa Isahang Pag-awit at sa Dalawahang Pag-awit kasama si Amrany D. Mendez(BSEE). Nakamit naman ng pangkat ng mga mag-aaral mula sa BEED at BSED na nasa Ikalawang Taon ang unang pwesto sa Pangkatang Pag-awit.
Naglalayon ang mga nasabing patimpalak na hasain ang talento ng mga magaaral sa wikang Filipino at malinang ang kanilang kaisipan sa kahalagahan ng wika sa pagkakaisa at pagkamit ng kapayapaan.