Agosto 7, 2024 – Ang Aurora State College of Technology (ASCOT) School of Forestry and Environmental Sciences ay nagbigay pugay sa mga mag-aaral nito na nagtapos ng kanilang on-the-job training (OJT) na ginanap noong Agosto 2, 2024 sa ASCOT Forest Geospatial Exploration & Mapping Solutions (GEMS) center.
 
Ang Geographic Information System (GIS) at remote sensing ay mga teknolohiya na nagbibigay kakayahan sa mga propesyonal na suriin at mapamahalaan ang spatial na impormasyon. Ang mga mag-aaral ng ASCOT ay nagkaroon ng pagkakataon na magtrabaho sa ilalim ng mga eksperto sa larangan na ito, na nagbigay sa kanila ng praktikal na karanasan at mas malalim na pang-unawa sa mga aplikasyon ng mga teknolohiyang ito sa iba’t ibang larangan.
 
Sa isang maikling mensahe nabanggit ni Forester Michelle A. Resueño, isang guro ng SFES, sa mga mag-aaral na: “Hindi lang yung experience and knowledge na na gain ninyo ang i-treasure ‘nyo but the work ethics na napulot ‘nyo na pwede ninyong magamit kapag nagtrabaho na kayo.”
 
Ang mga naturang 17 na magaaral ay gumugol ng eksaktong 240 na oras upang matapos at mapagtagumpayan ang kanilang on-the-job-training. Isang malaking bahagi ng kanilang pagsasanay ay isinagawa sa ASCOT Forest Geospatial Exploration & Mapping Solutions (GEMS) Center, isang pasilidad na hindi lamang nagbibigay serbisyo sa mga mag-aaral ng ASCOT kundi pati na rin sa komunidad ng probinsya at mga lokal na pamahalaan.
 
Ang ASCOT Forest GEMS Center ay pinasimulan noong 2015 sa ilalim ng pamumuno ng dating ASCOT President Dr. Eutiquio L. Rotaquio, Jr. na kung saan ay pinamahalaan ni For. Mark John A. Suniega ang may kabuuang 12 pirasong kompyuter at 1 server. Layunin ng ASCOT Forest GEMS Center na mas paghusayin ang kakayahan, kaalam, at inobasyon ng mga magaaral sa larangan ng geospatial technologies.
 
Bilang gurong tagapayo ng nasabing programa nagbigay din ng mensahe si Forester Mark John Suniega, “Ang mga learnings niyo with GIS and Remote sensing sa Forest GEMS center ay nawa’y maging tungtungan ninyo sa pagtutuklas ng mga makabago pang kaalaman patungkol sa GIS.”
 
Ang kaganapan ay patunay ng pangako ng ASCOT na bigyan ang mga mag-aaral ng mahalagang praktikal na karanasan at propesyonal na kasanayan.
 
Panulat ni: Aeron Monteverde