Sa episode 84 ng ASCOT ‘To! Todo-Todo na pinamagatang “WIKA-husayan, WIKA-saysayan!”, tinalakay ang kahalagahan ng ating sariling wika sa kasaysayan at kultura. Tampok dito si Bb. Glenda Nad-Gines, Direktora ng ASCOT Sentro ng Wika at Kultura (SWK), bilang pangunahing panauhin. Ang episode na ito ay inihandog bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon.
 
Sa pagbubukas ng programa, binanggit ng mga host ang mga nagdaang aktibidad sa ASCOT, tulad ng pagbubukas ng 3D Printing Services ng School of Engineering at Wash and Go Laundry ng School of Arts and Sciences, na naisakatuparan sa tulong ng Department of Labor and Employment. Nagkaroon din ng oryentasyon ang iba’t ibang paaralan bilang paghahanda sa mga bagong estudyante. Nakilahok din ang ASCOT sa SCUFAR III Sports and Cultural Festival kung saan nagkamit ang mga manlalaro nito ng mga medalya. Nakuha rin ng ASCOT ang 1st runner-up sa Hip-Hop competition at nagwagi sa Mr. and Ms. SCUFAR III ng 2nd runner-up at 1st runner-up na pwesto.
 
Sa pangalawang bahagi ng programa, ibinahagi ni Bb. Gines ang mahalagang papel ng wika sa ating kasaysayan at kultura. Ipinagmalaki niya ang pagkapanalo ng ASCOT SWK sa prestihiyosong “Dangal ng Wika at Kultura 2024” na iginawad ng Komisyon ng Wikang Filipino. Ang parangal na ito ay pagkilala sa dedikasyon ng ASCOT sa mga proyektong pangwika at pangkultura. Binalikan din niya ang kasaysayan ng SWK, na nagsimula noong 2009 bilang PSWK. “Inspirasyon natin ang sigasig ng mga naunang namuno sa SWK, na tunay ang dedikasyon nila sa paghahatid ng serbisyong pangwika at pangkultura, kay Prop. Lolita Dela Cruz at Dr. Rowel Olila. Walang SWK kung wala rin ang mga guro, estudyante mula sa loob at labas ng paaralan, pamunuan ng ASCOT, mga ahensya at tanggapan na nagtataguyod at sumusuporta sa ating mga proyekto at programa” batid niya.
 
Ipinahayag din ni Bb. Gines ang mga programa at proyekto ng ASCOT SWK, tulad ng Bahay Wika at MALLP sa komunidad ng mga Alta sa Brgy. Diteki, San Luis, Aurora, katuwang ang DepEd Aurora, PGA, at LGU. Layunin ng proyektong ito na muling buhayin ang wikang Alta, na kabilang sa mga nanganganib na wika sa Pilipinas. Mayroon ding Aklatang Bayan na matatagpuan sa opisina ng SWK, ito ay nagtitipon ng lokal na mga aklat para makatulong sa pananaliksik. Ang ASCOT SWK ay patuloy ding sumusuporta sa mga guro sa pagpapanatili ng General Education – Filipino sa kurikulum ng ASCOT.
 
Binigyang-diin niya ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon na “Filipino: Wikang Mapagpalaya.” Ipinaliwanag niya ang kahulugan ng “mapagpalaya,” na ayon kay Komisyoner Arthur Casanova, ay tumutukoy sa kalayaan mula sa balakid o hadlang, at ang likas na kapangyarihan ng tao na gawin ang nais.
 
Sa pagtatapos ng programa, ibinahagi ang mga aktibidad para sa Buwan ng Wika, tulad ng patimpalak sa pagsulat ng sanaysay, poster-making, spoken word poetry, kundiman, OPM duet, Philippine folk dance, at modern TikTok folk dance. Nagbigay si Bb. Gines ng mensahe tungkol sa pagpapahalaga sa ating wika at kultura, aniya “Sana hindi lang tuwing Buwan ng Agosto natin maipadama ang pagmamahal at pagtangkilik sa ating Wikang Pambansa bagkus sa tuwina, sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, sa lahat ng aspeto at disiplina. Itaas natin ang lebel ng pagkilala at pagpapahalaga sa ating wika at kultural na identidad.”
 
Para sa mga hindi nakapanood ng live broadcast, ang episode ay available sa opisyal na Facebook page ng ASCOT.
 
ASCOT ‘To! ay napapanood tuwing ikalawang Huwebes, mula 8:30 hanggang 10:00 a.m. sa 92.1RTV Baler.