Sa ika-65 na episode ng ASCOT’ To! (Todo-todo) : “Filipino at mga Katutubong Wika: SWaK sa Kapayapaan, Seguridad, at Katarungang Panlipunan!”, ang mga tagapakinig ay dinala sa isang makabuluhan na talakayan sa kahalagahan ng wika, kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon.

Sa espesyal na pagkakataon na ito, kasama ang Direktora ng Sentro ng Wika at Kultura na si Glenda Nad-Gines, ay tinalakay niya ang mahalagang papel ng wika sa paghubog ng ating pagkakakilanlan at pagkakaisa. Binigyang-diin niya na ang buwan na ito ay panahon ng pagkilala at pagmamahal sa kasaganaan ng mga wika bilang bahagi ng ating pamanang tradisyon. Kanya ring nabanggit na ang kasaysayan, kultura at wika ay magkakarugtong kaya’t hindi maaring hindi bigyang ng pansin ang wika tuwing mapaguusapan ang kasaysayan at kultura. Hinikayat din nya ang karamihan na ang gamitin ang wikang Filipino sa mas mataas na antas, gaya ng pananaliksik, sa mga pormal na transaksyon upang maipakita na ang wikang Filipino ay hindi lamang para sa mga impormal na usapan.

Bilang isang direktora ng Aurora State College of Technology Sentro ng Wika at Kultura, nabanggit niya na layunin nilang itaguyod at palaganapin ang mayamang kultura at mga katutubong wika ng lalagiwan ng Aurora. Layunin din SWK na isalba ang mga katutubong wika sa lalawigan ng Aurora na unti unti ng nawawala. Ibinahagi din ni Gng. Gines na ang ASCOT ay magkakaroon ng mga aktibad upang ipagdiwang ang buwan ng wika. Ang mga pagdiriwang na ito ay naglalayong palalimin pa ang pag-unawa at pagpapahalaga sa ating mga katutubong wika.

Sa usaping pagpapahalaga sa wika, tinawag niya ang mga mag-aaral at kabataan na aktibong makibahagi sa kanilang pinagmulan, at hinihimok na yakapin ang kanilang wika at kultura bilang batayan ng kanilang lakas at pagkakaiba-iba. Ipinahayag din nya ang taos-pusong pasasalamat sa mga guro na nagsisilbing tagapagtanggol ng wika, sa mga mag-aaral na nagpapakita ng husay sa wika, at sa mga tagapakinig na bukas sa pagkatuto.

#ascotto