Agosto 23, 2024 – Pagbubukas ng 3D Printing Services sa ASCOT, matagumpay na pinasinayaan matapos ang ribbon-cutting ceremony na ginanap sa School of Engineering Building.
 
Opisyal na binuksan ang bagong 3D Printing Services facility sa Aurora State College of Technology sa pamumuno ng mga opisyales ng kolehiyo at mga kinatawan mula sa Department of Labor and Employment na siyang nagbigay ng pondo para sa proyekto. Sa pangunguna ng Dekano ng School of Engineering na si Engr. Alking B. Gorospe, PhD, ang nasabing programa sa kabuhayan para sa mga estudyanteng inhinyero na kulang sa pribilehiyo ay naisakatuparan sa tulong ng kolehiyo at DOLE-Aurora.
 
Ang proyekto na naglalayong makapagtatag ng 3D Printing na pasilidad para sa produksyon ng mga souvenir at kolektible ay magiging malaking tulong para sa mga estudyanteng inhinyero. Ang pondong may kabuuang P625,000.00 mula sa Department of Labor and Employment at ACP/Beneficiary Proponent ay inaasahang makatutulong sa pagpapahusay ng educational resources. Magbibigay ito sa mga estudyante at mananaliksik ng makabagong teknolohiya upang suportahan ang inobasyon at praktikal na paraan ng pagkatuto.
 
Dinaluhan ng mga pangunahing personalidad ng ASCOT, sa pangunguna ng presidente ng kolehiyo Dr. Renato G. Reyes, kasama sina Engr. Oscar C. Barawid, PhD, Vice President for Administration Planning and Finance, Dr. Ma. Luz F. Cabatan, Vice President for Academic Affairs, Dr. Alma S. Bayudan, SAS Director, Engr. Alking B. Gorospe, PhD, Dean, School of Engineering, at ni Ms. Jelyn E. Abella, OIC, DOLE Aurora.
 
Ang naganap na ribbon-cutting ceremony ay hindi lamang isang pormal na pagsisimula, kundi isang pagdiriwang ng pag-unlad at isang hakbang patungo sa pag-iisa ng makabagong teknolohiya sa kurikulum at mga pananaliksik ng kolehiyo.
 
 
Isinulat ni Arnold Monteverde