Pebrero 20, 2025 – Nagtungo ang mga kinatawan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Aurora State College of Technology (ASCOT) upang ipresenta ang kanilang Language Immersion Program kay ASCOT President, Dr. Renato G. Reyes.
Pinangunahan nina Bb. Lourdes Hinampas, Punong Mananaliksik ng Wika, at Bb. Jeslie D. Luza, Senior Language Researcher mula sa Sangay ng Lingguwistika at Aplikadong Lingguwistika ng KWF, ang pagpapakilala ng programa, na naglalayong buhayin at palakasin ang wikang Alta sa ating mga kapatid sa Brgy. Diteki, San Luis, Aurora.
Ayon kay Bb. Glenda N. Gines, dating Direktor ng ASCOT Sentro ng Wika at Kultura (SWK) at kasalukuyang Direktor ng ASCOT Extension and Rural Development Office, ang inisyatibong ito ay nakaugat sa mga nauna nilang programa sa parehong komunidad, na naisakatuparan sa ilalim ng ASCOT SWK at sa patnubay ng KWF.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Dr. Reyes ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kultura at wika sa kabila ng mabilis na pagbabago ng panahon. Aniya, “Dapat panatilihin ang ating kultura at huwag hayaang makalimutan ito, lalo na ang ating wika. Mahalaga rin ang sining sa agham upang mas maunawaan at maramdaman natin ang kalagayan ng iba—hindi lamang makisimpatya kundi makiisa sa kanila.”
Samantala, ipinaliwanag nina Bb. Jeslie Luza at Bb. Lourdes Hinampas na ang konsepto ng Bahay Wika ay hindi lamang nakatuon sa pagtuturo ng sining at kultura, kundi sa mas malawak na paghubog ng isang indibidwal. Anila, layunin ng programang ito na mapanatili at mapalakas ang katutubong wika habang sabay na pinauunlad ang pagkakakilanlan at kaalaman ng mga kalahok sa iba’t ibang larang ng buhay.
Dumalo rin sa pulong sina Dr. Ma. Luz F. Cabatan, Pangalawang Pangulo para sa Akademikong Gawain ng ASCOT, at Bb. Angelica Vallejo, kasalukuyang Direktor ng ASCOT Sentro ng Wika at Kultura.